top of page

Asignaturang Filipino At Panitikan: Silang Itinakwil ng Sariling Bayan

  • Feb 23, 2022
  • 2 min read

Taong 2014 noong umusbong ang isyu patungkol sa paghain ng CHED (Commission on Higher Education) na tanggalin ang asignaturang Filipino at Panitikan sa kurikulum ng mataas na antas ng edukason (kolehiyo at unibersidad) sa kadahilanang tapos na itong talakayin ng mga mag-aaral sa elementarya hanggang senior high school.




Dahil sa malawakang isyu na ito, nakonsolida at itinaguyod ang Tanggol Wika: isang organisasyon na binubuo ng mga guro at propesor na tumututol at lumalaban upang matuldukan ang pagpasa sa bill na ito.


Ngunit ngayong taong 2019, tuluyan na ngang nagpasya ang Korte Suprema na hindi na gawing mandatorya ang pagkuha ng asignaturang Filipino at Panitikan sa kurikulum ng kolehiyo na ikinabahala ng nakakarami.


Maliban sa libu-libong guro o propesor ang mawawalan ng trabaho sa pagtatanggal ng mga nasabing asignatura, unti-unting tatamlay ang pagpapahalaga ng mga kabataan sa sarili nating wika. Imbes na mas mapayabong at lumalim ang kaalaman sa wikang Filipino—isang wikang pahinog pa lamang—isinantabi ito para sa mga asignaturang mas pabor sa interes ng mga dayuhan. Isa itong patunay na mas pinagtutuunan ng pansin ng kagawaran ang kulturang dayuhan kaysa sa Filipino. Hindi maikukubli na binalewala ng CHED ang esensya ng pag-aaral ng Filipino at ng Panitikan, at hindi manlang naisip ang kawalan ng trabaho ng mga propesor.


Ang wika at panitikan ay dalawang mahalagang kasangkapan sa pagbubuklod ng isang bansang mayroong samu’t saring tradisyon at kultura. Ito ang nagsisilbing tulay na siyang nagkokonekta at naghahatid ng pambansang pagkakaunawaan sa iba’t ibang dialekto na mayroon sa ating bansa. Ang pagwaksi sa pag-aaral ng Panitikan at Filipino ay ang umpisa ng paglimot sa ating sariling pagkakakilanlan. Hindi man natin namamalayan ang kabuluhan at importansya ng wika sapagkat nasa likas na natin ang pakikipagusap at pakikipagtalastasan sa bawat isa, pero ito ay ang salik na nagpapatibay sa ating mga pagkakaiba bilang Pilipino. Ito ang humuhubog sa ating sariling kaisipan at mga haraya.


Hindi sapat at walang balidong dahilan ang CHED para tuluyang tanggalin ang asignaturang Filipino at Panitikan sa mataas na antas ng edukasyon. Hindi nila maaaring idaan sa mababaw na diskurso at ipawalangbahala ang mga ito na para bang hindi sila epektibo sa pagpapalawig ng sariling wika. Ang desisyon sa pagsupil na ito ay isang sampal sa mukha nating lahat. Isang akto ng pagtatraydor ng tao sa kanyang lupang sinilangan.


Dahil sa lantarang pagbalikwas ng CHED sa pagpapahalaga ng dalawang nabanggit na asignatura, paano na lang mas mahihikayat ang mga kabataan na unahin ang sariling wika kaysa sa wikang banyaga kung walang suportang natatanggap mula sa mga nakatataas? Kung sila rin ang humahadlang, ang umaapela sa pagyabong ng sarili nating wika?


Lagi’t lagi nating tandaan kung saan tayo nagmula. Tayo’y mga Pilipino na may tungkuling ipaglaban ang sarili nating pagkakakilanlan. Huwag nating hayaang kupitin sa atin ang sarili nating wika—isang mahalagang elemento na nagpapatibay sa ating kasarinlan.

Comments


Drop Me a Line, Let Me Know What You Think

Thanks for submitting!

© 2023 by Train of Thoughts. Proudly created with Wix.com

bottom of page