Kagabi, Nanaginip Si Morrisey na Hindi na Siya Nag-iisa
- Feb 15, 2022
- 6 min read
Noon pa man, mahilig na si Morrisey sa mga haka-haka at kwento na may kinalaman sa dystopian at apocalyptic setting. Sabik siyang makipagtalastasan sa kanyang mga kaibigan patungkol sa mga pelikula at librong mayroong zombies sa ilalim ng pandemyang maaaring umubos sa populasyon ng sangkatauhan. Hindi niya alam kung bakit at paano siya nahilig sa ganitong uri ng piksyon. Ang tanging alam niya lamang ay nagbibigay ito sa kanya ng pakiramdam ng pananabik at inspirasyon upang magpatuloy sa kanyang araw.

Sa labis na pagkahilig ni Morrisey sa malagim na mundo ng dystopian society at zombie apocalypse, tuwing siya’y nasa labas o nasa biyahe man, hindi niya maiwasang managinip nang gising at paganahin ang kanyang malawak na imahinasyon.
Kapag nagkaroon ng zombie apocalypse, dito na lang ako magtatago. Ito ang laman ng isip ni Morrisey habang nakapila siya sa counter ng isang convenience store para bumili ng kanyang paboritong pagkain – ang fried chicken sa Ministop. Madalas, hindi niya rin mapigilang isipin kung ano ang gagawin niya kapag ang ang kanyang makatabi sa bus ay bigla na lang maging zombie – tatakbo ba siya para masalba ang buhay niya o sadyang hahayaan niyang makagat siya ng nito?
“Eh paano kung mawala kaming buong pamilya mo, matutuwa ka pa rin ba doon?” biro sa kanya ng kanyang ina habang nagtitiklop sila ng mga damit.
“Siyempre Ma, ibang usapan na ‘yon. Tsaka hindi ‘yun mangyayari, alam ko kung paano kayo poprotektahon sa ganoong sitwasyon.” Sagot ni Morrisey.
“Eh paano naman ‘yung iba? Yung ibang tao. Paano sila kung walang poprotekta sa kanila tulad ng pagprotekta mo sa amin?” tanong ng ina ni Morrisey.
Napatigil si Morrisey sa pagtitiklop ng kanyang damit. Nilingon niya ang kanyang inang nakatingin rin sa kanya. Nginitian siya nito nang bahagya, ngunit abot pa rin sa kanyang mga mata.
Paano nga ba?
Hindi makapaniwala si Morrisey sa realidad na sinasapit ng mundo sa kasalukuyan. Ang ilang imaheng mula lamang sa kanyang imahinasyon ay unti-unting nagiging katotohanan. Hindi niya maitatanggi ang halong kaba at pagkasabik na kanyang nadama sa pagputok ng balita.
“Ang unang kaso ng Corona virus sa Pilipinas ay natukoy ngayong araw, January 30, 2020. Isang 38 taong gulang na Chinese national ang kasalukuyang naka-admit sa Ospital ng San Lazaro sa Metro Manila…”
Nakaupo si Morrisey sa kanilang sala, kasama ang kanyang ina. Hindi makapaniwala sa naririnig nilang balita sa telebisyon.
“Parang magkakatotoo na ‘yung mga kinikwento mo sa akin, anak.” Wika ng kanyang ina. Hindi makaimik si Morrisey sa lahat ng nangyayari. Hindi niya alam kung anong magiging itsura o sitwasyon ng buong bansa, lalong-lalo na’t may naghihintay na pandemya sa labas ng kanilang maliit na tahanan. “Ano kayang mangyayari satin ngayon?”
“Hindi ko rin po alam, Ma.” Sagot ni Morrisey.
Sa pang-isang daang araw ng lockdown, hindi na mapakali si Morrisey sa loob ng kanilang tahanan. Bago magkaroon ng pandemya, sanay siyang kung saan-saan nakakapunta – saan man siya dalhin ng kanyang mga paa. Hilig niyang maglakbay mag-isa at makadiskubre ng mga lugar na hindi pamilyar sa kanya. Ngunit ngayong may pandemyang umiiral sa bansa, wala na siyang ibang magawa kundi libutin ang apat na sulok ng kanyang kwarto.
Tanghali na nang magising si Morrisey sa sumunod na araw. Sa kanyang pagpunas ng pawis sa kanyang noo, nagtaka siya kung bakit hindi siya ginising ng kanyang ina ngayong umaga. Nasanay siyang haplos ng kamay ng kanyang ina ang sumasalubong sa kanya sa pagsimula ng kanyang araw. Ngunit ngayon, tanging sinag lang ng araw sa na nagmula sa kanyang bintana ang kumalabit sa kanya, tila nangungusap na simulan na niya ang araw niya.
Bumangon si Morrisey upang kumain ng kanyang tanghalian. Pagdating niya sa hapagkainan, napansin niya agad ang labis na pagkatahimik ng kanilang tahanan. Walang maaninag na senyales ng ibang buhay maliban sa pagpintig ng sarili niyang puso. Sa pagkakataong iyon, bigla nang nakaramdam ng kaba si Morrisey. Kailanman, hindi umalis ang kanyang ina nang hindi nagpapaalam sa kanya. O kung may kailangan man siyang puntahan, mag-iiwan ito ng almusal sa kanilang lamesa at magdidikit ng maliit na sulat sa tabi nito. Ngunit sa araw na iyon, walang bakas ng kahit ano mula sa kanyang ina.
Pagkatapos niyang kumain, napagdesisyunan ni Morrisey na lumabas muna saglit sa kanilang balkonahe upang magpahangin. Nakatayo siya sa sulok mag-isa nang maisip niya ang kuya niyang dalawang taon na niyang hindi nakikita. Nag-asawa na kasi ito at kinakailangang lumipat sa Cebu, kung saan nakatira ang napangasawa niya. Inalala niya ang mga panahong magkasama pa silang tatlo – siya, ang kuya niyang si Peter, at ang kanyang ina. Ngayong may pandemya, mas naramdaman niya ang pagkalungkot at pag-iisa, dahil wala siyang ibang magawa kundi magkaroon ng mga agam-agam at guni-guni patungkol sa hinaharap niyang wala pa ring kasiguraduhan.
Nasa ika-apat na taon na ng kolehiyo si Morrisey, ngunit hanggang ngayon, ramdam niya pa rin ang pagkaligaw niya sa kanyang tatahaking propesyon. Pero kahit kailan – sa likod ng kanyang mga pag-aalinlangan sa kanyang sariling kakayanan – hindi siya nagpakita ng kahit anong kahinaan sa kanyang ina.
“Kahit saan ka man mapunta o mapadpad, alam kong kaya mong magtagumpay sa lahat.” Naalala niyang sinabi sa kanya ng kanyang ina, noong mga panahong nag-aaral siya para sa kanyang pagsusulit, at inaabot na siya ng umaga. Lagi’t lagi niyang binabalik ang ngiti ng kanyang ina, ngunit wala pa ring makakatumbas sa laki at pagigiging totoo nito.
Sa paglipas ng bawat minuto, ilang tao na ang nakita niyang dumaan sa harap ng kanilang bahay. May mga nagmamadali ang lakad na para bang may hinahabol na oras, at may ilan namang komportable sa kanilang paglalakad. Sa bawat pagdagsa ng tao, may napansin si Morrisey. Napansin niyang wala nang nakabalot na mask sa mga tao. Hindi na rin sila nakasuot ng iba pang protective equipment na kinakailangang suotin ng mga tao para maprotektahan sila mula sa sakit na dala ng virus.
Napuno ng pagtataka si Morrisey. Ngunit binalewala niya ang di-pangkaraniwang detalye na napansin niya sa paggising niya ngayong umaga.
Baka nakalimutan lang nila magdala… o baka naman tsaka na nila susuotin kapag nasa lugar na sila kung saan mas marami na ang mga tao. Ito na lamang ang inisip ni Morrisey habang nakatitig siya sa kawalan.
Pumasok na muli sa loob ng bahay Morrisey. Umupo siya sa kanilang sala upang ituloy ang kanyang binabasang libro patungkol sa alien invasion.
Sa bawat paglipat niya ng pahina, napansin niya na may mga nakasulat na mga notes sa mga mahahalagang bahagi ng libro. Hindi niya maalala na nag-iwan siya ng mga ito. Pagbuklat niya sa pinakahuling pahina nito, nakasulat rin ang araw kung kailan niya ito natapos.
Marso 5, 2021.
Nagmadali si Morrisey sa paghahanap ng kalendaryo sa kanyang kwarto. Dumadagundong ang buong bahay sa lakas ng kanyang pag-apak sa sahig. Kasabay nito ang dagundong sa kanyang dibdib.
Pagkarating niya sa kanyang kwarto, hindi siya makapaniwala sa sumalubong sa kanya.
Mayo 2026.
Biglang bumigay ang mga binti ni Morrisey. Wala siyang maramdaman. Wala siyang maisip. At higit sa lahat, wala siyang malapitan. Wala ang kanyang ina. Nasa malayong lugar ang kanyang kuya.
Pagkalipas ng ilang minuto, narinig niya ang pagbukas ng kanilang pinto. Pinilit ni Morrisey na makapaglakad nang hindi natutumba sa kanyang mga paa. Nakita niya ang kanyang kuya na may dala-dalang dalawang plastic bag sa kanyang mga kamay. Hindi niya maintindihan kung paano siya napadpad dito sa kanilang bahay.
“Kuya? Anong ginagawa mo dito?” Tanong ni Morrisey.
“Ah… Teka. Mor, upo muna tayo. Tsaka tayo mag-usap.” Sagot sa kanya ni Peter.
“Bakit ka nandito? Kailan ka pa dumating?” Hindi pa rin makapaniwala si Morrisey sa taong nasa harap niya.
“Una sa lahat, Mor, huminga ka nang malalim. Andito ako. Huminga ka muna.”
Hawak ni Peter ang kanyang kamay habang hinihintay niyang kumalma si Morrisey.
“Mor, matagal na akong nandito. Mga apat o maglilimang taon na ata ang nakakalipas. Lumipat na kami dito ng pamilya ko sa Maynila, kahit pa may pandemya. Pinilit naming lumipat dito.”
“Bakit kailangan niyong lumipat?” nakakunot ang noo ni Morrisey, iniisip kung paano nangyari ang lahat ng ito.
“Para malapit kami sa’yo. Para may kasama ka dito… at may mag-alaga sayo.” Sagot ni Peter.
“Bakit kailangan mo akong alagaan? At tsaka, kasama ko naman si Mama dito. Alam mo ba kung nasan siya? Isa pa, anong taon na ba ngayon? Bakit 2026 na ‘yung nakalagay sa kalendaryo? Ang dami kong napapansin na hindi tama, kuya—”
“Mor, wala na si Mama.”
Nakahiga si Morrisey sa kanyang kama. Hindi siya makagalaw. Walang pumapasok sa kanyang isip. Hindi siya makapaniwala sa katotohanang nalaman niya sa kanyang kapatid.
“Isa si mama sa mga nabiktima ng COVID noon. Hindi siya nakaligtas…”
“..hindi mo matanggap na wala na siya.”
“Naaksidente ka noong araw ng libing niya..”
“Akala ko pati ikaw, mawawala rin sa akin…”
“Wala kang maalala pagkatapos ng aksidente mo kaya kailangan naming bumalik at manirahan ulit dito sa Maynila…”
Kahit ilang beses ulit-ulitin ni Morrisey ang mga sinabi ni Peter, hindi pa rin siya naniniwala na ito ang katotohanang kailangan niyang harapin sa susunod na araw. Hindi niya napigilan ang pagbuhos ng kanyang mga luha habang iniisip ang sinapit ng kanyang mahal na ina.
Marami pang nais itanong si Morrisey sa kanyang kuya, ngunit nangako ito na sasabihin niya sa kanya ang lahat kapag kahit papaano’y kumalma na ang kanyang diwa at huminahon na ang kanyang paghinga.
“Matulog ka na. Hindi ako aalis dito.” Sabi ni Peter sa kanyang tabi. Madilim na sa kanyang kwarto. Hindi niya na maaninag ang mukha ng kanyang kapatid. Tanging paghinga na lamang nila ang kanyang naririnig.
Muling nakasama ni Morrisey ang kanyang ina sa kanyang panaginip. Wala silang sinasabi. Magkayakap lang buong gabi.
Huwag kang matakot, anak. Dito ako mananahan sa puso at isipan mo. Lagi’t lagi.
At noong gabing iyon, naramdaman ni Morrisey na hindi na siya nag-iisa.
Comments